Ang Bagong Ako

Ako yung babaeng iniwan sa gitna ng bumubuhos na ulan sa Quezon Avenue dalawang taon na ang nakalipas. Teka, mali yung “iniwan”. Uulitin ko …

Ako yung babaeng UMASA sa gitna ng bumubuhos na ulan sa Quezon Avenue dalawang taon na ang nakalipas. Ngayon ko lang ‘to ikukwento. Ito yung araw na sinabi niyang “Magkita tayo.” Buong araw kong inisip ang mga sasabihin ko. Hanggang dumating ang alas singko.

Isang oras … dalawa … tatlo. Ilang beses akong nag text … “Naghihintay na ako.” … “Papunta ka na ba?” … “Dadating ka pa ba?”

Alas otso ng gabi bumuhos ang ulan na tila isang bagyo. At sa wakas ay sinagot niya ang mga text ko …


“Hindi pala ako makakapunta. OT ako.”

Kasing lakas ng buhos ng ulan ang mga luha kong nagbabadyang makawala. Gusto kong magalit noon sa mundo. Pero t*ng*n*! Ni hindi ko nagawang magalit sa kanya.


“Ah sige. Okay lang. Next time. Ingat ka pauwi mamaya.”

Siguro kung nakakapagsalita lang ang patak ng ulan … tatanungin ako nito ng … “On a scale of 1 to Mara, gaano ka ka-tanga?”

Haha.

Doon kami nagtapos. Ay. Teka. Walang kami. Walang natapos. Kasi akala ko lang pala may nasimulan.


“Gusto kita pero di ko pa kaya ibigay yung mundo ko.”

Natatawa nalang ako pag naaalala ko. Yung mga bagay na naisip ko simula nung hindi na niya ako kinausap bigla. Na baka mali nga ako. Baka may nasabi o nagawa ako. O baka boring lang talaga ako. Hanggang sa sobrang baba na ng tingin ko sa sarili ko. Ganun pala yun. Magagawa mong isisi lahat sa sarili mo.

Mahirap ba diretsuhin yung, “Hindi kita gusto.”?

Haha.

Nagawa ko ‘to ikwento dahil limot ko na yung sakit. At gusto kong ibahagi yung natutunan ko.

Hindi ko pinagsisihan yun. Dahil naging totoo naman ako eh. Mali lang sigurong umasa. Sabi nga nila … dapat hindi naghihintay ng kapalit.

Pagkalipas ng isang taon matapos yun … Pagkatapos ng mga sinabi kong … “AYOKO NA.” … “HINDI NA ULIT.” … “I’M DESTINED TO BE ALONE.”

Hahaha.

Pagkatapos noon … pinili kong maniwala ulit. Eto na yung bagong ako. Yung natuto na at matututo pa. Hinayaan ko nalang maging aral yung nakaraan. At pinili kong maging masaya sa kasalukuyan.

Eto na yung bagong ako …


Handa na muling masaktan.

Schmerzlich

Nananahimik ako sa mundo ko,
pero ginulo mo.
Pinilit kong umiwas,
pero sadyang nagtatagpo ang landas.
Ngunit nung nawala ka,
hinahanap-hanap naman kita.
Sinabi mong gusto mo ako,
pero ikaw din ang unang lumayo.

Nananahimik ako sa mundo ko,
pero hinahanap ko ang ingay mo.
Ngayon luha sa pisngi ko’y lumalandas,
sa’yo sana’y di nalang umiwas.
Ngunit tingin ko’y kahit anong sakit,
ika’y tila di na babalik.
Gusto rin naman kita,
hindi ko lang naipakita.

Paulit-ulit

May isang tanong akong nais na sagutin mo.
Hindi ka pa ba napapagod?
Sa paulit-ulit …
Parang isang kalsadang walang hangganan dahil paikot-ikot lang.

Hindi ba’t,
‘Pag ang ulam mo’y paulit-ulit, nakakaumay?
‘Pag ang damit mo’y paulit-ulit, nakakasawa?
‘Pag ang trabaho mo’y paulit-ulit, nakakapagod?
Alam mo ba na ang pag-ibig mo’y parang ulam, damit, at trabahong paulit-ulit?

Ang paulit-ulit mong pangangako ng walang hanggan,
Ngunit paulit-ulit ka rin namang umaalis ng walang paalam.
Ang paulit-ulit mo sa akin pagpapatahan,
Ngunit paulit-ulit mo rin naman akong sinasaktan.

Nakakapagod!
Na paulit-ulit ko na din sinasabi sa sarili ko.
Pagod na ako sa mga paulit-ulit mo.
Paulit-ulit na “mahal kita”, “ikaw lang”, at “walang iba”.
Please naman …
Tama na.