Ikalawang Batas

Nasa pagitan ka ng gusto at ayaw.
Bakit hindi mo gustuhin?
Bakit hindi mo subukan?
Bakit mo ba pinipigilan?

Minsan ang takot ay dapat na labanan.
Lalo na kung may gusto kang malaman.
Pwede namang unti-unti …
Dahan-dahan.

Hindi mo kailangan biglain kung masyadong mabigat.
Hindi mo naman mababago ang lahat sa isang iglap.
‘Pag naramdaman mong muli ang tulak ng damdamin, 
Subukan mong huwag kumapit …
Sumabay sa daloy ng pag-ibig.

Subukan mong magtiwala.
At unti-unting mawawala ang kaba at hinala.
Gagaan ang dating mabigat.
Huwag kang matakot magtapat.

Ito ang ikalawang batas na nagsasabing:
Ang lakas ng puwersa ay ang magiging basehan ng kung gaano kabilis ang magiging takbo.

Hindi mo masasabing mahirap,
kung hindi mo susubukan.
‘Pag ito’y mabigat,
‘Wag mo agad susukuan.
Wala sa pagsuko ang solusyon.
Matuto kang magpalakas.
Subukan mong dagdagan ang paulit-ulit mong sinasabing hindi sapat.
Dahil pag sanay ka na sa mabigat, ibig sabihi’y unti-unti na itong nagiging sapat.

Magtiwala ka.
Na sa bawat pagtulak mo, gaano man kabagal o kabilis ang takbo, makararating ka sa katotohanang hinahanap-hanap mo.

Mahal, maniwala ka.

Wala sa tagal, sa bigat, o sa bilis.
Ito ay nasa lakas na taglay ng iyong pag-ibig.

~Mara.

Biyernes ng Gabi

Tahimik ang paligid, at tila handa ng makinig sa kung ano mang dahilan ang nagdudulot ng sakit sa iyong damdamin.

Nagtataka kung bakit malungkot ang iyong mga mata. Nagtatanong pa kahit ang sagot nama’y alam na.

Pag-ibig.

Ang rason sa walang kamatayan mong pagluha gabi-gabi. Ang dahilan ng pagkawala ng iyong mga ngiti.

Ngunit wala sa pagkawasak ng iyong puso ang sakit. Ito’y nasa pag-alala ng lahat ng masasayang araw ninyong magkasama. Ito’y nasa mga alaala ng inyong nakaraan na pilit mong kinakalimutan.

Ngunit ito rin ang dahilan kung bakit ka naging masaya noon. Ito ang dahilan ng mga ngiting gumuhit sa iyong labi. Siya ang sagot kung bakit ka masaya.

Na parehong sagot ngayon kung bakit ka lumuluha.

Kalma lang.

Hindi ko sasabihing makakalimutan mo din siya. Pero huwag kang mag alala. Dahil masasanay ka din sa sakit. Na pag lumaon ay parang isang normal na pakiramdam nalang.

Dadating ang panahong hindi ka na luluha.

Magigising ka nalang isang umaga na para bang bago ang lahat ng nasa paligid mo.

At masasabi mong, hindi na masakit. At masisilayan na muli ang iyong pag-ngiti.

At dito mo maiisip na buti nalang minahal mo siya …

Kung hindi ay ‘di mo mararanasan ang ganitong saya.

~Ria.

Pinagtagpo

Hindi ko alam kung ilang beses ko nang tinanong sa Diyos kung bakit kita nakilala. Hindi sa ayaw ko. Nais ko lang malaman ang totoo. Hindi kita mahal, na tulad ng pagmamahal ng isang dalaga sa isang binata na tila tinamaan ng pana ni kupido sa sobrang ligaya. Maaaring masaya ako sa tuwing kausap ka, ngunit patuloy pa rin naman ang buhay ko kung wala ka. Hindi sapat ang mga salita upang mauwi sa pag-ibig. Hindi sapat ang mga ngiting gumuguhit sa labi sa tuwing binibigkas ang matatamis na pahiwatig. Maraming dahilan ang pagdating ng mga tao sa buhay natin, ngunit hindi lahat ng dumarating ay dapat nating ibigin. Hindi natin lubos na kilala ang isa’t-isa. Maaaring alam mo ang mga ayaw at gusto ko, ngunit alam rin iyon ng mga tao sa paligid ko. O maaari ngang higit pa sa mga nalalaman mo. Maaaring pinagtagpo tayo, na katulad lang din sa kung paano kayo pinagtagpo ng mga kaibigan mo. Masyadong malalim ang terminong “itinadhana”. Para bang nagsasabing tama na ang lahat. Tila nagpapahiwatig ng isang pagwawakas, ng isang hangganan. Masyado pang maaga. At naniniwala akong hindi ganito kabilis kumilos ang tadhana. Iwasan mong mag-isip ng mga malalalim na kahulugan. Dahil minsan ay sapat nang makuntento sa kung anong nakikita ng mata at nahahawakan ng kamay. Hindi dahil sa masaya ako tuwing kausap ka ay pinasasaya mo na ang buong buhay ko. Masyadong malaki ang mundong ginagalawan ko para ipirmi ko ang atensyon ko sa isang parte lamang nito. Nasasaktan ka ba? Hindi. Maniwala ka. Kung iisipin mong masakit ang mga salitang ito ay iyon nga ang mararamdaman mo. Hindi ko nais kailanman na manakit. Ipinaliliwanag ko lang ang aking damdamin. Tayo’y pinagtagpo. Maaaring ng pagkakataon, ngunit hindi ng pag-ibig … at lalong hindi ng tadhana.

–Mara.