Ikalawang Batas

Nasa pagitan ka ng gusto at ayaw.
Bakit hindi mo gustuhin?
Bakit hindi mo subukan?
Bakit mo ba pinipigilan?

Minsan ang takot ay dapat na labanan.
Lalo na kung may gusto kang malaman.
Pwede namang unti-unti …
Dahan-dahan.

Hindi mo kailangan biglain kung masyadong mabigat.
Hindi mo naman mababago ang lahat sa isang iglap.
‘Pag naramdaman mong muli ang tulak ng damdamin, 
Subukan mong huwag kumapit …
Sumabay sa daloy ng pag-ibig.

Subukan mong magtiwala.
At unti-unting mawawala ang kaba at hinala.
Gagaan ang dating mabigat.
Huwag kang matakot magtapat.

Ito ang ikalawang batas na nagsasabing:
Ang lakas ng puwersa ay ang magiging basehan ng kung gaano kabilis ang magiging takbo.

Hindi mo masasabing mahirap,
kung hindi mo susubukan.
‘Pag ito’y mabigat,
‘Wag mo agad susukuan.
Wala sa pagsuko ang solusyon.
Matuto kang magpalakas.
Subukan mong dagdagan ang paulit-ulit mong sinasabing hindi sapat.
Dahil pag sanay ka na sa mabigat, ibig sabihi’y unti-unti na itong nagiging sapat.

Magtiwala ka.
Na sa bawat pagtulak mo, gaano man kabagal o kabilis ang takbo, makararating ka sa katotohanang hinahanap-hanap mo.

Mahal, maniwala ka.

Wala sa tagal, sa bigat, o sa bilis.
Ito ay nasa lakas na taglay ng iyong pag-ibig.

~Mara.

Tigal

Pamilyar ba sa iyo ang pakiramdam, na gusto at ayaw mo ang isang bagay?

Gusto mo subukan …

Gusto mo malaman …

Pero pilit mong pinipigilan. 

Bakit?

Marahil ay ilang milyong beses nang naitanong sa iyo.

At paulit-ulit lamang ang sagot mo dito.

“Dahil natatakot ako.”

Kung gaano kalakas ang tulak sa damdamin mo,

Ay s’ya ring higpit ng kapit ng puso mo, 

Sa takot na wala namang sasalo dito.

Ito ang unang batas …

Na nagsasabing walang magbabago …

Na hindi ka magbabago …

Hanggat walang nakakapagkumbinsi sa iyo …

Na ligtas ang puso mo,

Kahit gaano pa kalakas na puwersa ang tumulak dito.

Maniwala ka.

May sasalo sa’yo.

Schmerzlich

Nananahimik ako sa mundo ko,
pero ginulo mo.
Pinilit kong umiwas,
pero sadyang nagtatagpo ang landas.
Ngunit nung nawala ka,
hinahanap-hanap naman kita.
Sinabi mong gusto mo ako,
pero ikaw din ang unang lumayo.

Nananahimik ako sa mundo ko,
pero hinahanap ko ang ingay mo.
Ngayon luha sa pisngi ko’y lumalandas,
sa’yo sana’y di nalang umiwas.
Ngunit tingin ko’y kahit anong sakit,
ika’y tila di na babalik.
Gusto rin naman kita,
hindi ko lang naipakita.

Paulit-ulit

May isang tanong akong nais na sagutin mo.
Hindi ka pa ba napapagod?
Sa paulit-ulit …
Parang isang kalsadang walang hangganan dahil paikot-ikot lang.

Hindi ba’t,
‘Pag ang ulam mo’y paulit-ulit, nakakaumay?
‘Pag ang damit mo’y paulit-ulit, nakakasawa?
‘Pag ang trabaho mo’y paulit-ulit, nakakapagod?
Alam mo ba na ang pag-ibig mo’y parang ulam, damit, at trabahong paulit-ulit?

Ang paulit-ulit mong pangangako ng walang hanggan,
Ngunit paulit-ulit ka rin namang umaalis ng walang paalam.
Ang paulit-ulit mo sa akin pagpapatahan,
Ngunit paulit-ulit mo rin naman akong sinasaktan.

Nakakapagod!
Na paulit-ulit ko na din sinasabi sa sarili ko.
Pagod na ako sa mga paulit-ulit mo.
Paulit-ulit na “mahal kita”, “ikaw lang”, at “walang iba”.
Please naman …
Tama na.

Baka … Isang Araw

Naranasan mo na bang hindi makatulog sa gabi sa kaiisip sa kanya?
Habang siya’y himbing na himbing na,
Ikaw nama’y higa’t bangon sa iyong kama?

Naranasan ko na.

Naranasan mo na ba na maisip siya …
Sa bawat gagawin mo,
Sa bawat musikang maririnig mo,
Sa bawat nobelang babasahin mo,
Sa bawat pelikulang mapapanood mo,
Sa bawat oras, araw, linggo, at buwan mula nang magkakilala kayo?

Hanggang ngayon, nararanasan ko.

Kasabay ng tila marahang pagkurot sa aking dibdib.
Kasabay ng pagpatak ng luha.
Kasabay ng sakit na AKO LANG …
Sa aming dalawa, AKO LANG!

Pero hindi ako mapapagod na magbakasakali na baka isang araw …

Umamin siya …

Na pareho kami ng dinadanas.