Ikaw

‚ÄčNung nakilala kita … Yung higit pa sa pangalan mo lang … Dun ko nasabi sa sarili ko na, “sana nakilala na kita dati pa.” Nung mga panahong inosente pa ako sa sakit at lungkot na dala ng pagmamahal. Nung mga panahong kaya ko pa magtiwala at maniwala. Nung mga araw na totoo pa ang mga ngiting ipinapakita ko.

Ikaw yung matagal ko nang hinihintay. Ikaw yung laman ng mga panaginip kong dati ay imposibleng magkatotoo. Ikaw yung tamang tao na bubuo ng palaisipan na ito …

Pero wala na yung tamang ako.

Matagal ko nang pinatay ang damdaming matagal na ring naghihintay. Naghihintay ng tunay. Dahil dati sinabi ko na ayos lang masaktan. Basta ang gusto ko yung tunay. Yung walang maskara. Yung walang lihim. Kahit pangit pa o madilim ay pipiliin ko itong yakapin. Yayakapin ko kahit puno ito ng tinik. Titiisin ko kahit gaano kasakit. Basta totoo.

Pero paulit-ulit lamang akong sinaktan ng kasinungalingan. Kaya’t mas pinili ko nalang patayin ang pag-asa kong makaranas ng tunay.  Mas pinili kong patayin ang damdaming naghahangad ng tunay na pagmamahal.

Kaya’t nalulungkot ako nang makilala kita. Dahil natagpuan ko na ang tamang taong kukumpleto ng istoryang ito. Ngunit hindi ko na mahanap ang tamang ako.

-Mara.